Umaabot na sa mahigit 10,000 kaso ng dengue ang naitala ng DOH o Department of Health sa unang anim na linggo ng taon.
Batay sa Dengue Disease Surveillance Report ng DOH mula Enero 1 hanggang Pebrero 10, pumalo na sa sampung libo siyamnaraan at walumpu (10,980) ang nagkakasakit ng dengue sa buong bansa habang nasa 50 naman ang namatay.
Gayunman, sinabi ng DOH na mas mababa ito ng 41 point 38 percent sa mga naitalang kaso ng dengue noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.
Ayon sa record ng DOH, bumaba ang mga kaso ng dengue sa buong bansa maliban sa mga lugar ng Ilocos region kung saan tumaas ng isang daan dalawampu’t isang (121) porsyento, Cordillera Administrative Region na tumaas ng limampu’t limang (55) porsyento at CALABARZON na dalawampu’t limang (25) porsyento.
Maliban dito, karamihan din sa mga naitalang kaso ay mula sa mga lugar kung saan isinagawa ang anti-dengue vaccination program ng pamahalaan.
Nakapagtala na ng mahigit dalawang libo’t limang daang (2,500) kaso ng dengue sa CALABARZON, mahigit isang libo’t siyamnaraan (1,900) sa Central Luzon at mahigit isang libo’t walongdaan (1,800) naman sa National Capital Region o NCR.