Bumaba ng 80% ang kaso ng fireworks-related injuries sa lungsod ng Quezon matapos ang pagkakakumpiska ng mahigit P500,000 halaga ng mga paputok.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD) at city Market Development and Administration Department (MDAD), na aabot sa kabuuang halaga na P546,073 ang kanilang nasabat na iba’t-ibang uri ng pyrotechnics.
Base naman sa datos ng Quezon City Health Department (QCHD), nasa pito lamang ang fireworks-related injuries na kanilang naitala mula sa mga ospital ng lungsod mula December 21, 2020 hanggang sa ika-6:00 ng umaga ng January 2, 2021.
Mas mababa umano ito ng 80% kung ikukumpara sa 35 cases ng firecracker-related incidents sa kahalintulad na panahon noong nakalipas na taon.
Samantala, wala ring napaulat na nasawi o nasugatan dahil sa stray bullet at wala ring naitalang naospital dahil sa nakalunok ng paputok sa kasagsagan ng pagsalubong ng bagong taon.
Matatandaang nagdesisyon ang Metro Manila Mayors na ipagbawal ang paggamit ng anumang uri ng paputok sa New Year’s Eve bilang pagsuporta sa nais ni Pang. Rodrigo Duterte na tuluyan nang ipagbawal sa buong bansa ang pagpapaputok sa tuwing sasalubungin ang pagpasok ng bagong taon.