Posibleng mabasura ang isinampang kasong paglabag sa Anti-Hazing Law laban kay John Paul Solano, isa sa pangunahing suspek sa pagkamatay ng hazing victim na si Horacio Castillo III.
Ito ay matapos malantad sa isinagawang imbestigasyon ng Senado na hindi nasunod ang legal na proseso sa pag-kustodiya kay Solano.
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, lumalabas na isinailalim sa inquest si Solano kahit kusa naman itong sumuko at hindi ito naaresto.
Dahil dito, sinabi ni Atty. Paterno Esmaquel, abogado ni Solano na nais na nilang kumalas sa naunang kasunduan na makipagtulungan sa imbestigasyon ng kaso dahil sa isinampang patung-patong na kaso ng MPD sa Department of Justice o DOJ.
Matatandaang, sinampahan ng kasong murder, perjury, robbery, obstruction of justice at paglabag sa Anti-Hazing Law si Solano sa DOJ kahapon.