Tumaas ang kaso ng asthma at iba pang respiratory illness.
Inihayag ng Private Hospitals Association of the Philippines Incorporated (PHAPI) na kadalasang tumataas ang mga ganitong uri ng karamdaman tuwing mag-ba-bagong-taon dahil sa usok mula sa mga paputok.
Ayon kay PHAPI President, Dr. Jose Rene De Grano, normal lamang ang pagtaas ng kaso dahil sa polusyon na nakasasama para sa mga may sakit sa baga.
Para anya makaiwas, pinayuhan ni De Grano ang publiko na laging magsuot ng face mask, lalo na tuwing manonood ng fireworks display.
Sa kabila nito, handa naman anya ang mga pribadong ospital sa buong bansa sa posibleng pagdagsa ng mga pasyenteng naputukan habang papalapit ang pagdiriwang ng bagong taon.
Samantala, hinimok ni De Grano ang publiko na salubungin ang taong 2023 nang ligtas sa pamamagitan na lamang nang pag-iingay, gaya ng paggamit ng torotot at pagpapatugtog sa halip na magsindi ng paputok. —sa panulat ni Hannah Oledan