Inihayag ni Department of Health (DOH) Officer-In-Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na tumaas ang kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa Pilipinas.
Nabatid na nitong nakaraang Hulyo, pumalo sa 1,346 ang naitalang nahawaan ng naturang sakit kung ikukumpara sa mga naitalang kaso kada buwan noong mga nakaraang taon.
Matatandaang noong 2017, nakapagtala din ng mataas na bilang ng kaso ng HIV ang DOH na pumalo naman sa 72,000.
Samantala sa naging datos ng HIV/AIDS & Art Registry of the Philippines (HARP), umabot na sa 4,574 ang bilang ng mga nasawi sa sakit mula taong 1984 hanggang 2020.
Sinabi ni Vergeire na sa ngayon, mas lalo pang tumaas sa halos 150,000 ang bilang ng mga tinamaan ng HIV.
Dahil dito, nanawagan si Vergeire sa publiko na samantalahin ang libreng HIV testing ng ahensya, bukod pa sa mga treatment at support programs na kanilang inilunsad na bahagi ng 5 bilyong pisong pondo kada taon para labanan ang HIV at iba pang priority diseases.