Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng CHR o Commission on Human Rights ang hindi makataong pagtrato sa mga katutubong Lumad.
Ito’y makaraang idulog ng 28 mula sa 34 na mga katutubo ang 15 oras na pagtatrabaho nila sa isang fish pen sa bayan ng Sual sa Pangasinan nang walang bayad.
Ayon kay Atty. Jackie De Guia, tagapagsalita ng CHR, ang mga nasabing katutubo na pawang nagmula sa bayan ng Quezon, lalawigan ng Bukidnon na nabiktima umano ng human trafficking batay na rin sa impormasyong ipinabatid sa kanila ng iba’t ibang labor groups.
Nakatakas ang 28 sa mga ito na siyang dumulog sa punong tanggapan ng CHR sa Quezon City kaya’t sinamahan ang mga ito sa himpilan ng pulisya para maitala ang kaso.
Agad namang nakipag-ugnayan ang CHR sa himpilan ng pulisya sa Sual gayundin sa Provincial Social Welfare and Development Office ng Pangasinan upang ma-rescue ang 17 pang katutubo na sapilitang pinagta-trabaho sa nasabing fish pen.
Sa ngayon, magkakasama na ang mga katutubo sa isang shelther home sa bayan ng Lingayen sa nabanggit ding lalawigan habang tinututukan din ng CHR ang 10 pang mga Lumad na may kahalintulad na kapalaran sa bayan naman ng Rosario, lalawigan ng La Union.