Maari pang abutin ng mahigit sa 8 taon ang kaso sa Mamasapano massacre.
Sinabi ni Atty. Harry Roque, ito ay dahil hindi naman matukoy ang kinaroroonan ng karamihan ng mga suspek na miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Binigyang diin ni Roque na hindi maaring asahan na mabilis ang itatakbo ng kaso, dahil di hamak na mas kakaunti ang sangkot at hawak na ng otoridad ang karamihan sa akusado sa Maguindanao massacre, subalit hindi pa din ito nareresolba.
“Pagfa-file yan po ay simula lang ng proseso, kinakailangan pong malitis at maparusahan, ang tingin ko po ay napakatagal na panahon ang ating aantayin.” Pahayag ni Roque.
Not running
Samantala, nilinaw ni Atty. Harry Roque na hindi siya tatakbo sa pagka-senador sa darating na eleksyon.
Inamin ni Roque na sa kabila ng mga alok, naniniwala siyang hindi pa ito ang panahon para kanyang ambisyunin ang maging senador.
Sa kasalukuyan aniya, ang kanyang pinag-iisipan ay ang maging kinatawan ng Partylist.
“Naimbitahan po tayo pero ang realidad po ay ordinaryong mamamayan lang po tayo, ‘yan po ay puwedeng maging panaginip pero ang katotohanan po ay narito pa din tayo sa lupa, kung meron man tayong tatakbuhan siguro ay hanggang partylist lamang.” Giit ni Roque.
Disqualification case ni Poe
Naniniwala si Atty. Harry Roque, na hindi aabot sa October 16, ang paglalabas ng Senate Electoral Tribunal ng desisyon nito hinggil sa disqualification case laban kay Senator Grace Poe.
Sinabi ni Roque na ito ay dahil mahaba pa ang landas na tatahakin ng kaso, bago makakapag desisyon ang SET.
“Imposible na maresolba by October 16 kasi naman po bibigyan pa sila ng 15 days para masumite ng memorandum, first week na ng October na ‘yan, eh magkakaroon pa po sila ng diskurso.” Ani Roque.
Samantala, tinawag din ni Roque na “pambobola” ang naging pahayag ni Pangulong Noynoy Aquino, na payagan nang tumakbo sa pagka-Pangulo ang senadora.
“Dahil nanggaling na kay PNoy, bola lang po ‘yan, tingin ko po ay atat na atat ang Malacañang na ma-disqualify si Grace Poe, hindi po ako objective dahil ang panig ko po ay si Jojo Binay, ang masasabi ko lang po it is the interest of VP Binay na makatakbo po si Grace Poe.” Paliwanag ni Roque.
By Katrina Valle | Karambola