Isusumite na ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa binuong task force ang mga hinahawakan nilang kaso laban sa mga mambabatas na dawit sa katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay PACC Commissioner Greco Beligca, kailangan na nilang ipasa sa binuong Task Force kontra kurapsyon ang mga hawak nilang kaso dahil hindi na saklaw ng kanilang kapangyarihan ang imbestigahan ang mga nasa sangay ng lehislatura.
Gayunman, sinabi ni Beligca, na itutuloy pa rin nila ang pagsisiyasat hinggil sa mga anomalya sa kagawaran at kanilang iye-endorso sa mga kinauukulang ahensya ang mga magiging resulta nito.
Babala pa ni Beligca, posibleng madagdagan pa aniya ang pangalan ng mga nadadawit sa katiwalian depende sa mga makararating na ulat sa kanilang tanggapan.