Iimbestigahan ng CHR o Commission on Human Rights ang nangyaring panghahalay at pamamaslang sa dalawang bata sa magkahiwalay na insidente sa Makati at Bulacan.
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacqueline Ann De Guia, mariing kinokondena ng komisyon ang brutal na krimen na ginawa sa isang taong batang lalake sa Makati at limang taong gulang na batang babae sa Bulacan.
Aniya, ang pambibiktima sa mga inosenteng bata ay walang lugar sa ating lipunan at maliwanag itong kawalang pagpapahalaga sa buhay at dignidad.
Nangako si De Guia na tututukan ang naturang mga kaso para masigurong mapaparusahan ang mga salarin.
Umaapela ng tulong pinansiyal ang pamilya ng pinaslang at ginahasang isang taong gulang na bata sa Makati City.
Ayon sa lola ng biktima, kailangan nila ng 36,000 piso para sa funeral services ng kanyang apo.
Kasalukuyang naka burol ang bata sa Brgy. La Paz sa Makati kung saan may nagtutulong tulong ang kanilang mga kapitbahay para mayroong ipakain sa mga naglalamay.
Samantala, desidido naman ang pamilya na mapanagot ang suspek sa ginawa nitong krimen.
Nais ng pamilya na maibalik ang parusang bitay bilang kabayaran sa ginawa nitong kahayupan sa bata.
Una nang inamin ng suspek na si Gerald Riparip na nakainom siya kaya niya nagawa ang krimen.