Tumaas ng 23% ang bilang ng may mga kaso ng rabies sa bansa ngayong buwan kumpara noong 2023.
Ito’y ayon sa ulat ng Department of Health kung saan mayroon ng naitalang 354 na kaso sa buong bansa, mas mataas ito kumpara sa datos noong nakaraang taon na may 287 naiulat na kaso.
Batay sa datos, sampung rehiyon ang mayroong pagtaas ng kaso ng rabies sa bansa noong mga nakaraang buwan partikular na rito ang National Capital Region; Ilocos Region; Cagayan Valley; Bicol Region; Central Visayas; Eastern Visayas; Zamboanga Peninsula; Northern Mindanao; Davao Region; at SOCCSKSARGEN.
Kaugnay nito, nagpahayag ng suporta ang DOH sa hiling ng Department of Agriculture na karagdagang budget allocation para sa widespread animal vaccination program.
Matatandaang humiling si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ng karagdagang P110-M budget para sa susunod na taon upang mabakunahan ang dalawampu’t dalawang aso at pusa sa bansa upang mapuksa ang rabies. - sa panulat ni Alyssa Quevedo