Dapat ibaubaya na lamang sa korte ang pagtukoy at pagbusisi sa kaso ng tanim bala kung may sapat bang ebidensya laban sa mga inirereklamo.
Ito ang reaksyon ng Public Attorney’s Office o PAO kasunod ng ginawang pagbasura ng Department of Justice (DOJ) sa kasong inihain ng tanim bala victim na si Lane Michael White laban sa mga security personnel sa paliparan.
Inihayag sa DWIZ ni PAO Chief Atty. Persida Rueda-Acosta ang kanyang pag-asa na hindi sasapitin ng kanyang kliyente na si Ginang Salvacion Cortabista nangyari sa reklamong isinampa ni White.
Magugunitang patungo sanang Amerika ang mag-asawang Cortabista nang makitaan ito ng bala sa kanilang bagahe sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Kasunod nito, may panawagan din si Acosta sa susunod na administrasyon.
Bahagi ng pahayag ni PAO Chief Atty. Persida Rueda-Acosta
DOJ
Dumipensa ang Department of Justice o DOJ sa inilabas nitong resolusyon na nagbabasura sa reklamong inihain ng US National na si Lane Michael White.
Kaugnay ito sa kaso ng tanim bala at pangingikil laban sa mga miyembro ng PNP Aviation Security Group at Office of Transport Security sa paliparan.
Ayon kay Atty. Honey Rose Delgado, tumatayong prosecuting attorney, nabigo ang panig ni White na maglatag ng ebidensya upang maisampa sa korte ang kaso.
Hindi aniya tatanggapin ng korte ang pagdiriin sa isang tao kung pawang hindi pagkakaintindihan at isa lamang hinala ang ilalatag na argumento.
Lumabas aniya sa kanilang imbestigasyon na inakala ni White na siya’y kinikikilan ng isang airport security personnel nang pakitaan siya ng dokumento na nagsasaad ng kaniyang multa.
By Jaymark Dagala | ChaCha