Target ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) na maresolba sa loob ng 30 araw ang kaso ni Police Senior Master Sgt. Jonel Nuezca —ang pulis na bumaril at pumatay sa isang mag-ina sa Paniqui, Tarlac.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, mamadaliin nila na matapos agad ang kaso dahil lugi at sobrang agrabyado na ang pamilya ng mga biktima.
Maliban dito, masasabi din aniyang lugi ang pamahalaan dahil tuloy-tuloy pa rin ang sahod ni Nuezca hangga’t hindi pa ito nahahatulan.
Sinabi ni Triambulo, oras na mahatulang guilty ang suspek na si Nuezca, madidiskuwalipika na ito sa anumang public service at mawawala lahat ng natatanggap na benepisyo maliban sa natitirang leave conversion.
Tiniyak naman ni Triambulo na personal niyang tinututukan ang kaso at sa katunayan ay nasa Tarlac aniya siya ngayon.
Bukod sa kasong administratibo, nahaharap na rin ang suspek sa dalawang bilang ng murder dahil sa pagpatay sa mag-inang Sonia at Frank Anthony Gregorio.