Muling iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isolated case ang kinasangkutang kaso ni US Marine Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton.
Ayon kay AFP Spokesman Marine M/Gen. Edgard Arevalo patunay lamang ang kaso ni Pemberton na walang sinuman ang nakahihigit sa batas kahit pa ng mga dayuhang kaalyado ng Pilipinas.
Binigyang diin ni Arevalo, mahigpit ang ipinatutupad nilang mga panuntunan sa pagsasanay ng mga tropa ng sundalo na may paggalang sa kultura, kaugalian at pag-iral ng batas para sa mga bisitang sundalo.
Ito rin aniya ang kanilang itinatanim sa mga lokal na sundalo lalo’t may mga pagkakataong bumibisita rin ang mga ito sa ibayong dagat para magsanay.
Bagama’t hindi naman maiiwasang may iilang lumabag sa mga batas ng binibisitang bansa, sinabi ni Arevalo na hindi naman ito ipinagwawalang bahala at isinasailalim din sila sa masusing pagdidisiplina.