Pinanghahawakan ngayon ng kampo ni Senador Grace Poe na sa Sabado pa, Abril 9 ilalabas ng Korte Suprema ang pinal na desisyon nito hinggil sa legalidad ng pagtakbo sa pagkapangulo ng mambabatas.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Atty. George Garcia, abogado ni Poe na nagulat sila sa balita sa isang pahayagan na denied lahat ng motion for reconsideration ng mga private petitioner para idiskwalipika si Poe sa eleksyon dahil sa residency at citizenship issue.
Iginiit pa ni Garcia na walang inanunsyo kahapon ang tagapagsalita ng Supreme Court na si Atty. Theodore Te hinggil dito.
Mahirap aniyang i-preempt ang kataas-taasang hukuman kaya’t mas mainam na lamang na hintayin ang final ruling dito ng SC.
“Hindi naman po totoo yun, medyo hindi ko alam kung nakuryente, o na preempt o nai-advance yung mga ganung klaseng information pero ang katotohanan po ay walang inanunsyo kahapon ang Korte Suprema kahit ang Spokesperson ay hindi nagbigay ng announcement, Sabado po talaga.” Pahayag ni Garcia.
Matatandaang sa media briefing ng Korte Suprema sa Baguio City kahapon, inihayag ni Public Information Office Chief at Spokesman Theodore Te na naresolba na ng mga mahistrado ang iba’t ibang motions for reconsideration kaugnay sa March 8 ruling ng SC sa kaso ng senador.
Gayunman, nilinaw ni Te na nag-desisyon ang mga mahistrado na sa Sabado, Abril 9 na lamang isapubliko ang kanilang ruling sa mga apela o eksaktong isang buwan bago ang halalan.
Ang mga MR ay inihain ng Commission on Elections at 4 na iba pang private petitioner na nagsusulong na idiskwalipika si Poe sa eleksyon sa issue ng kanyang residency at citizenship.
By Drew Nacino | Bert Mozo (Patrol 3) | Meann Tanbio | Karambola