Ipinababasura ng Chinese businessman na si Chen Ju Long o alyas Richard Tan ang kasong smuggling na inihain ng Bureau of Customs o BOC sa Department of Justice o DOJ laban sa kanya.
Kaugnay ito ng pagkakapuslit ng mahigit 6 bilyong halaga ng shabu shipment sa bansa.
Sa isinumiteng kontra salaysay ni Tan, iginiit nito na maituturing nang moot and academic ang inihaing kaso ng BOC na paglabag sa Customs Modernization Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act laban sa kanya.
Ito aniya ay dahil kabilang na rin siya sa mga akusado sa kaparehong kasong isinampa naman sa Valenzuela Regional Trial Court.
Iginiit din ni Tan na naging biktima lamang siya ng pagkakataon at sa katunayan aniya ay siya pa ang nagpaabot ng tip sa BOC kaugnay ng nasabing shabu shipment matapos makatanggap ng impormasyon mula sa Chinese Customs.
Si Tan ang chairman ng Philippine Hungfei Logistics Group of Company at may-ari ng warehouse sa Valenzuela kung saan nasamsam ng BOC, NBI at PDEA ang mahigit 600 kilo ng shabu noong Mayo.
(Ulat ni Bert Mozo)