Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na imbestigahan ang kaso ng pagpatay ng mga pulis sa 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz sa Caloocan City.
Sa kaniyang talumpati kasabay ng ika-60 anibersaryo ng SSS o Social Security System, nangako ang Pangulo na itutuloy ang kaso laban sa mga sangkot na pulis kapag napatunayang may naging paglabag sila sa pagganap sa tungkulin.
Muling binigyang diin ng Pangulo na hindi niya kailanman inutos sa mga pulis na pumatay ng mga inosenteng sibilyan lalo na kung sila’y sumusunod naman sa batas.
Bagama’t aminado ang Pangulo na marami siyang nagawang pagkakamali sa kanyang war on drugs, nanindigan siyang hindi ito ititigil para mapigilan ang pamamayagpag ng iligal na droga sa bansa.
Kasunod nito, binalaan pa ang Pangulo sa mga nasa likod ng mga kaso ng extrajudicial killings na may kalalagyan ang mga ito kapag naabot ng kamay ng batas.
AR/DWIZ882