Inaasahan na ng kampo ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang pagsasampa ng kaso ng Ombudsman kaugnay ng Mamasapano massacre noong 2015 na ikinasawi ng 44 na SAF o Special Action Force troopers ng Pambansang Pulisya.
Ayon sa kampo ng dating Pangulo, nais lamang umano ng kasalukuyang admnistrasyon na gantihan si Aquino sa ginawa nitong pagpapakulong kay dating Pangulo ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo.
Dahil dito, handa ang kampo ni Ginoong Aquino para sa paglalagak ng piyansa ng dating Punong Ehekutibo upang pansamantala itong makalaya habang dinidinig ang kaso.
Magugunitang kasong graft at usurpation of official functions ang isinampa laban kay Aquino dahil sa pagpapahintulot nito sa noo’y suspendidong PNP Chief Alan Purisima na pangunahan ang pagpaplano sa Oplan Exodus o pagtugis sa Malaysian terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.
—-