Nanindigan si Senadora Imee Marcos na dapat nang iakyat sa korte ang kaso laban kay dating pang. Rodrigo Duterte at kaniyang mga kaalyado.
Ito’y matapos irekumenda ng House Quad Committee na kasuhan ng crimes against humanity ang dating pangulo, sina Senador Bato Dela Rosa’t Bong Go, at mga dating opisyal ng PNP dahil sa umano’y extrajudicial killings ng nakalipas na administrasyon.
Sa kapihan sa Senado, idiniin ng ate ni Pang. Bongbong Marcos na hindi maaaring humatol at magsintensya ang kongreso sa isang tao, gaano man karami ang isagawa nilang pagdinig.
Hinikayat niya ang mga kapwa-mambabatas sa kamara na bitbitin ang mga hawak nilang ebidensya sa korte sa lalong madaling panahon upang makakapaglabas na ng desisyon sa kaso.
Ipinaliwanag naman ng Senadora na hindi siya sumisipot sa pag-iimbestiga ng Senado sa Duterte war on drugs dahil sa hindi nito klarong layunin.
Una nang sinabi ni Pang. Marcos na kailangan pang suriin ng Department of Justice ang rekumendasyon ng quad comm upang kasuhan si Digong at kaniyang mga kaalyado.
Bagama’t nandigan namang hindi hihingi ng dispensa sa war on drugs, sinabi ng dating presidente na aakuin niya ang buong responsibilidad.