Dahil sa kawalan ng merito, ibinasura ng Department of Justice(DOJ) ang kasong kriminal na isinampa laban sa Dermalog, ang information technology provider ng Land Transportation Office (LTO).
Ito’y matapos katigan ng DOJ ang petition for review na inihain ng Dermalog at binaliktad ang nauna nang naging desisyon ng Quezon City Prosecutor’s Office na nagsasabing mayroong probable cause para kasuhan ng qualified theft ang mga opisyal ng kompanya na sina
Gunther Mull, Randolf Sitz, Michel Schutt at Lourilyn Ocampo.
Ang kaso ay nag-ugat sa P3.1 billion IT project na iginawad ng LTO noong 2018 sa Dermalog Joint venture na kinabibilangan ng German-based company na Dermalog 40%, Philippine-based company na Holy Family Printing Corporation 30% , Verzontal Builders 25% at MicroGenesis 5%.
Nabatid na ang Verzontal Builders Inc. na kinakatawan ni Silvestre Natividad ay nabigong mag-comply sa kanilang deliverables na nakapaloob sa agreement kaya noong April 5, 2019 ay nagdesisyon ang Dermalog na umatras sa kasunduan at nagsabing babayaran nito ang anumang nagastos ng Verzontal na umabot sa P228 milyon.
Kahit hindi nakasunod naman sa kasunduan ay nagsampa ng reklamo ang Verzontal Builders dahil nais nilang 25% ng napagkasunduan sa kontrata ang siyang ibayad sa kanila ng Dermalog.
Gayunman, sa desisyon ng DOJ, binigyang-diin ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na walang merito ang demand ng Verzontal Builders dahil hindi ito pasok sa isang criminal case at wala ring nangyaring qualified theft.
“Wherefore, the instant petition for review is hereby granted, and accordingly, the assailed resolution of the Office of the City Prosecutor of Quezon City finding probable cause against respondents-appellants [Mull, Sitz, Schutt, and Ocampo] for the crime of qualified theft is hereby reversed and set aside,” ayon sa desisyon ng DOJ.
Magugunitang kinuwestiyon ni LTO Chief Teofilo Guadiz ang kakayahan ng Dermalog bilang IT provider ng LTO dahil sa nasabing kaso ngunit iginiit ng tagapagsalita ng kompanya na si Nikki de Vera na paninira lamang ang isinampang kaso laban sa kanila at mismong ang DoJ ang nagbasura nito.
Ang Dermalog, isang multi-awarded biometrics innovator, ang siyang IT service provider ng LTO, dahil sa kanilang online system na 20 hanggang 30 minuto na lamang ang processing time sa ahensya na dati ay inaabot ng ilang oras.