Nakatakdang sampahan ng Philippine National Police (PNP) ang mga demonstrador na magsasaka sa Kidapawan City.
Ayon kay PNP Chief Director General Ricardo Marquez, may nagpaputok din ng baril sa hanay ng mga nagprotestang magsasaka kung saan isang pulis ang may tama ng bala at kasalukuyan pa ring walang malay.
Patunay aniya nito ay magpositibo sa parafin test ang isa sa mga nasawing demonstrador.
Sa kabila nito, tiniyak ni Marquez na nagsasagawa na rin sila ng panloob na imbestigasyon para matukoy ang mga lapses sa hanay ng mga pulis.
Matatandaang nauwi sa karahasan ang protesta ng mga magsasakang humihingi ng bigas at tulong dahil sa epekto ng El Niño sa kanilang mga sakahan.
Samantala, inihahanda na rin ng rally organizers ang kasong isasampa laban kay Cotabato Governor Lala Taliño-Mendoza.
Ito’y dahil sa paniwalang sangkot ang gobernador sa marahas na dispersal sa Kidapawan City noong isang linggo.
Kabilang sa mga kasong isasampa ng mga raliyista ay multiple murder, serious physical injuries at paglabag sa karapatang pantao.
Bukod kay Mendoza, plano rin nilang sampahan ng reklamo ang police at local chief executives sa Tagum City.
DILG
Umapela ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa Commission on Human Rights (CHR) na tignan din ang karapatan di lamang ng mga raliyista kundi maging ng mga pulis.
Ayon kay DILG Secretary Mel Senen Sarmiento, ito ay dahil sa marami din sa bilang ng mga pulis na kabilang sa pag-disperse sa mga magsasakang nagpoprotesta sa Kidapawan City noong nakaraang linggo ay nasugatan.
Sa katunayan, hanggang sa ngayon ay nasa kritikal na kondisyon pa rin ang isa sa mga sugatang pulis.
Kasabay nito, tiniyak ni Sarmiento na kanila nang inaalam kung sino o anong grupo ang nagpondo sa naturang protesta na nauwi sa karahasan.
By Ralph Obina