Ikinakasa na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang kasong ihahain nila laban sa transport group na Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide o PISTON.
Kasunod ito ng ikinasang dalawang araw na tigil pasada o transport strike ng grupo bilang pagtutol sa planong pag-phaseout umano sa mga jeepney bilang bahagi ng transport modernization program.
Ayon kay LTFRB Chair Martin Delgra, obligado ang mga franchise owners ng jeepney na bigyan ng nararapat na serbisyo ang publiko na siyang labis na na-apektuhan ng naturang tigil pasada.
Malinaw din aniya ang isinasaad ng isang memorandum circular na nagbabawal sa mga transport group at ang mga operators na makilahok sa mga kilos protesta.