Sinampahan ng kasong administratibo sina Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang at Deputy Ombudsman for Mindanao Rodolfo Elman.
Inihain nina Atty. Manuel Luna at Atty. Elijeo Mallari ang reklamong Graft, Betrayal of Public Trust at paglabag sa Civil Service Code laban kina Carandang at Elman sa Office of the President sa Malakanyang.
Batay sa isinumiteng reklamo ng dalawang abogado, lumabag sina Carandang at Elman sa Code of Ethical Standards dahil sa paglalabas ng pekeng dokumento ng umano’y mga bank records ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Inakusahan din nina Mallari at Luna sina Carandang at Elman na nagpapagamit sa mga kalaban ni Pangulong Duterte para siraan ito.
Pangangasiwaan naman ng Office of the Executive Secretary sa pamumuno ni Secretary Salvador Medialdea ang pagdinig sa kaso.
Carandang posibleng ipagharap sa kasong sibil at kriminal – Panelo
Maaaring ipagharap sa kasong sibil at kriminal si Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang.
Ito ay ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo matapos isapubliko ni Carandang ang umano’y mga bank accounts ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Paliwanag ni Panelo, criminally at civilly liable si Carandang dahil sa pagpi-presenta ng mga pekeng dokumento ng umano’y bank accounts ni Pangulong Duterte.
Giit ni Panelo, maituturing na peke ang mga dokumentong hawak ni Carnadang matapos itanggi ng AMLC o Anti-Money Laundering Council na may ibinigay silang mga dokumento sa Office of the Ombudsman.
Una nang sinabi ni Panelo na pasok sa kasong administratibo si Carandang dahil sa paglabag sa Code of Conduct at Ethical Standards for Public Officials kasunod ng pagsasapubliko sa bank accounst ng Pangulo.