Nakatakdang maglabas ng show cause order laban kay Cainta Mayor Kit Nieto ang Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ito’y kasunod ng nakamatayan nang reklamo ng isang nurse ng Cainta Municipal Hospital na si Ma. Theresa Cruz dahil sa naantalang pagbibigay ng hazard pay at special risk allowance para sa medical frontliners sa nasabing bayan.
Ayon kay DILG Spokesman Usec. Jonathan Malaya, hindi dapat naaantala ang pagbibigay ng mga nabanggit na benepisyo para sa mga frontliner lalo’t bantad ang mga ito sa impeksyong dulot ng COVID-19.
Magugunitang nasawi si Cruz dahil sa COVID-19 nang hindi man lamang nito nagamit ang kaniyang dapat sana’y benepisyo para sa pagpapagamot at iba pang mga gastusin.
Batay sa imbestigasyon ng legal service division ng DILG, sinabi ni Malaya na naibigay naman ng lokal na pamahalaan ng Cainta ang benepisyo kay Cruz subalit huli na ang lahat dahil nasawi na ito.
Dahil diyan, inirekumenda ng nasabing dibisyon na maglabas ng show cause order para kay Mayor Nieto upang pagpaliwanagin kung bakit hindi ito nararapat sampahan ng reklamong administratibo.