Inaasahang mapagpapasyahan na ng Korte Suprema ang kasong kinakaharap ng negosyanteng si Delfin Lee, founder ng Globe Asiatique matapos ang apat na taon.
Si Lee ay kinasuhan ng syndicated estafa na nag-ugat sa mahigit anim na bilyong pisong maanomalyang pautang na inaprubahan ng Pag-IBIG fund sa umano’y mga bumili ng bahay sa housing project ng kumpanya sa Mabalacat, Pampanga subalit natuklasang ghost borrowers pala ang mga ito.
November 7, 2013, nang maglabas ng desisyon ang Court of Appeals o CA Special 15th division na nag-aatas sa Korte sa Pampanga laban sa pag-usad ng kasong kriminal laban kay Lee.
Pinawalang bisa rin ng CA ang arrest warrant laban kay Lee at inabsuwelto ito sa kaso dahil ang element anito sa naturang krimen ay dapat ginawa ng lima o higit pang tao.
Iniapela ng DOJ sa Korte Suprema ang tatlong desisyon pabor sa tatlong akusado at sa bisa ng TRO ay pinigil ang kinukuwestyong mga desisyon ng CA.
Dahil dito, napanatili pa rin si Lee sa bilangguan sa Pampanga at tuloy ang kaso laban dito.