Isinusulong ng Office of the Ombudsman ang kasong graft laban kay Maguindanao Congressman Simeon Datumanong kahit ilang buwan na itong patay.
Ang kaso ay may kaugnayan sa umano’y maanomalyang paggamit ni Datumanong ng kanyang P3.6 milyong pork barrel fund mula 2012 hanggang 2013.
Sinasabing inihain ng Ombudsman ang dalawang bilang ng kasong paglabag sa Anti-Graft Law sa Sandiganbayan noong Oktubre 20 laban kay datumanong na pumanaw noong Pebrero 28 dahil sa cardiac arrest sa edad na 81.
Sa ilalim ng Article 89 ng Revised Penal Code, awtomatikong naaabswelto ang isang akusado sa oras na pumanaw ito pero hindi pa rin ito hadlang sa Anti-Graft Office para habulin ang iba pang respondents sa kaso.
Kasama naman sa mga kinasuhan ang ilang matataas na opisyal ng National Commission on Muslim Filipinos o NCMF na sina Mehol Sadain, Galay Makalinggan, Fedelina Aldanese, Aurora Aragon – Mabang at Olga Galido.