Minaliit lamang ng Malakanyang ang isinampang impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, wala namang ginagawang graft and corruption at high crimes ang Pangulo para mapatalsik ito sa pwesto.
Naniniwala si Abella na ang naturang impeachment complaint ay bahagi ng destabilization plot laban sa Pangulong Duterte.
Sa kabila nito, sinabi ni Abella na malaya ang mga kritiko ng Pangulo na gawin ang gusto nila habang ang Malakanyang naman aniya ay nakatutok lang pagpapatakbo ng pamahalaan.
Samantala, kumpiyansa naman si House Speaker Pantaleon Alvarez na wala ring kahihinatnan ang isinampang impeachment complaint laban sa Pangulo na batid aniya ng mga nagsampa mismo ng naturang reklamo.
Malakanyang hindi makiki-alam sa hakbang ng mga kaalyadong congressmen
Hindi makikialam ang Malakanyang sa mga hakbang at desisyon ng mga kaalyadong congressmen ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa impeachment complaint na isinampa laban sa kanya.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, kahit kailan ay hindi nakialam o nakiusap ang Pangulo sa upang para humingi ng pabor sa kanyang mga kaalyado.
Binibigyang-laya anya ang mga ito na kumilos batay sa kanilang kagustuhan at iginagalang ang independence ng Kamara.
Kaugnay naman sa tanong kung magtatagumpay ba ang impeachment complaint, inihayag ni Abella na ayaw nilang gumawa ng ispekulasyon at sa halip ay ipapaubaya sa mga kongresista kung ano ang gagawin sa inihaing reklamo laban sa Pangulo.
By Ralph Obina |With Report from Aileen Taliping