Iginiit ni dating Solicitor General Florin Hilbay na dapat mabasura ang mga kasong inihain laban kay Senadora Leila De Lima at agad siyang palayain.
Sa opening statement ni Hilbay sa isinagawang oral arguments sa supreme court kaugnay sa mga kaso ni De Lima, sinabi ng dating Solicitor General na direct bribery dapat ang ikinaso sa senadora kung pagtanggap ng pera mula sa high profile inmates ng New Bilibid Prison o NBP ang ipinaparatang sa kanya.
Iginiit din ni Hilbay na hindi maaaring isangkot sa illegal drug trade si De Lima dahil hindi, aniya, alam ng senadora ang pinanggalingan ng pera na umano’y tinanggap niya.
Kasong katiwalian lang din dapat, aniya, ang isinampa laban kay De Lima dahil ibinibintang lang na nakinabang ang senadora sa iligal na negosyo at hindi direktang sangkot sa kalakalan ng iligal na droga.
Paliwanag pa ni Hilbay, isang bailable offense ang pagbibigay ng proteksyon sa taong sangkot sa illegal drug trade.
Kaso ni De Lima walang hurisdiksyon ayon sa legal team ng senadora
Nanindigan ang legal team ni Senadora Leila De Lima na walang hurisdiksyon ang Regional Trial Court sa kaso ng senadora.
Sinabi ni dating Solicitor General Florin Hilbay sa oral arguments, Sandiganbayan ang may exclusive original jurisdiction, sa ilalim ng Presidential Decree 1606 na inamyendahan ng Republic Act 10660, para sa mga kaso kaugnay sa paglabag sa anti-graft and corrupt and practices act at mga paglabag sa revised penal code kung opisyal ng gobyerno at mga opisyal ng isang exclusive branch na may salary grade na 27 pataas ang akusado.
Ayon pa kay Hilbay, malinaw na nilapastangan ng Department of Justice o DOJ ang hurisdiksyon ng Ombudsman nang magsagawa ito ng preliminary investigation sa kasong illegal drug trade na inihain nito laban kay De Lima.
Dahil dito, hinimok ni Hilbay ang korte suprema na pagkomentuhin din ang Ombudsman.
By Avee Devierte |With Report from Bert Mozo