Kasado na ang isasampang kaso ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa Ombudsman laban sa PNP at iba pa kaugnay sa umano’y profiling o paniniktik sa kanilang mga miyembro.
Ayon kay Reymond Basilio, Secretary General ng ACT, posibleng sa Lunes o Martes ng susunod na linggo ay maisampa nila ang kasong may kaugnayan sa paglabag sa Data Privacy Act at Magna Carta for Public School Teachers.
Bahagi ng mga isasampang kaso na makuha ang mga detalye o mga impormasyon ng mga guro na nakuha ng PNP sa pagsasagawa umano ng profiling base na rin sa isang PNP memorandum.
Nababahala ang grupo sa tila pakikialam anito ng PNP sa halalan dahil sinasabing layon ng nag-leak na PNP memorandum na makuha ang personal information ng mga guro na miyembro ng ACT may kaugnayan sa midterm elections.
Nakatakda ring makipag-diyalogo ang ACT sa PNP hinggil sa nasabing usapin.
—-