Pinag – aaralan na ng National Housing Authority o NHA kung ano ang isasampang kaso sa mga miyembro ng Kadamay na mapapatunayang nagpapa-renta ng inukupahan nilang housing unit sa Pandi, Bulacan.
Ipinabatid ito ni NHA Chief of Staff Christopher Mahamud dahil hindi naman aniya ‘isolated case’ ang naturang insidente.
Sinabi ni Mahamud na bina-validate pa nila ang mahigit anim na raang (600) housing units na pinarenta umano ng ilang miyembro ng Kadamay.
Nilinaw naman ni NHA Spokesperson Elsie Trinidad na hindi nila uubrang mapaalis ang mga miyembro ng Kadamay na nagpa-renta ng bahay dahil dadaan pa ito sa proseso.
Una nang sinabi ni Trinidad na nakakuha sila ng kopya ng video mula sa isang prospective buyer kung saan makikitang iniaalok ng isang miyembro ng Kadamay ang isang housing unit sa halagang P20,000.00 hanggang P30,000.00.
Paliwanag ni Trinidad, lumapit sa kanila ang nasabing buyer para matiyak kung legal ang pagbili nang nasabing bahay.