Kasalukuyang nasa laya pa rin si Cyle Bonifacio, ang sumukong nasa likod umano ng kontrobersyal na coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine slot for sale scam.
Ayon kay Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region (CIDG – NCR) Director Col. Rogarth Campo, agad din naka-alis si Bonifactio matapos maghain sa kanila ng affidavit kasama ang abogado nito.
Sinabi naman ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, pag-aaralan muna ng CIDG kung anong kaso ang kanilang isasampa laban kay Bonifacio batay na rin sa nakalap nilang mga ebidensya at salaysay.
Gayunman, tiniyak ng PNP Chief na titignan nila ang lahat ng anggulo at mangangalap pa sila ng karagdagang mga ebidensya kung tunay nga bang nagkabentahan ng vaccine slot at kung may kumagat ba sa scam na ito.
Magugunitang sa pagsuko ni Bonifacio kina MMDA Chairman Benhur at Mandaluyong Mayor Menchie Abalos, iginiit nito na malinis ang kaniyang pangalan at hindi umano siya nagbebenta ng vaccine slot.