Pinagtawanan lamang ni dating Health Secretary Paulyn Ubial ang kasong isinampa laban sa kanya ni dating Health Secretary Janette Garin.
Ayon kay Ubial, nagtataka siya kung ano ang motibo ni Garin sa paghahain ng kasong reckless imprudence resulting to homicide laban sa kanya dahil sa paggamit ng Dengvaxia sa kanilang immunization program.
Sa kanyang inihaing reklamo, sinabi ni Garin na nakadagdag sa pagdami ng mga namatay na batang nabakunahan ng Dengvaxia ang pasya ni Ubial na palawakin sa community based ang sinimulan nyang school based immunization program.
Sinabi ni Ubial na bagamat hindi pa niya nababasa ang reklamo ni Garin, anumang programa aniya na kalahok ang buong komunidad ay maituturing na community based kahit pa sa paaralan o sa rural health clinic isagawa ang pagbabakuna.
Nakapagtataka aniya na si Garin ang nagsampa ng kaso sa kanya gayung hindi siya isinasama sa kasong isinasampa ng mga magulang ng mga batang biktima ng Dengvaxia.
—-