Idinepensa ni Senadora Leila de Lima ang kasong inihain ni Atty. Jude Sabio laban kay Pangulong Rodrigo Duterte at 11 pang opisyal sa ICC o International Criminal Court.
Ayon kay De Lima, ibinatay ang kaso sa mga berepikadong dokumento at testimonial evidence para maihain ang kasong crime against humanity.
Giit ng nakakulong na Senadora, naka-a-alarma ang patuloy na pagtaas ng kaso ng mga extra-judicial killings sa bansa sa ilalim ng war against drugs ng pamahalaan.
Sa katunayan, sinabi ni De Lima na may mga testigo na inilagay ang sariling seguridad sa balag ng alanganin upang ilantad ang katotohanan sa likod ng mga patayan.
Kasunod nito, nanawagan pa si De Lima sa mga hukom ng ICC na pakinggan ang tinig ng sambayanang Pilipino na dapat maimbestigahan, malitis at mahatulan si Pangulong Duterte para sa kapakanan ng libu-libong nasawi dahil sa mga extra-judicial at summary killings.
By: Jaymark Dagala / Cely Bueno