Ibinasura ng Office of the Ombudsman ang kasong katiwalian laban kay dating Department of Tourism (DOT) Sec. Wanda Tulfo-Teo at limang iba pa ukol sa kontrobersyal na P60 milyon na ad placement deal sa pagitan ng dot at PTV-4.
Sa 21 pahinang resolusyon ni Graft Investigator Rosano Oliva na inaprubahan ni Ombudsman Samuel Martires, lumalabas na dinismis ang kasong paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft And Corrupt Practices Act dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.
Maliban kay Teo, inabswelto rin ng ombudsman ang kapatid nitong si Ben Tulfo ng Bitag Media Unlimited Inc. At apat na iba pa.
Nag-ugat ang kaso sa kontrobersyal na P60 milyon na advertisement ng DOT sa programa ni Ben Tulfo sa PTV na kilos pronto matapos maglabas ng report ang Commission on Audit (COA) ukol sa umano’y “conflict of interest” dahil sa paglalagay ni Teo ng advertisement sa programa ng kanyang kapatid.
Ngunit lumalabas na walang kinalaman si Teo sa kontrata na pinasok ng PTV at Bitag media ni Ben Tulfo kaugnay sa naturang DOT advertisement.