Naghain ng mosyon sa korte ang abogado ng inarestong health worker na si Natividad “Naty” Castro para ibasura ang kasong kidnapping at serious illegal detention.
Sa inihaing mosyon ng abogado ni Doktora Naty na si Atty. Wilfred Asis, kaniyang kinuwestiyon ang kawalan ng preliminary investigation o ang hakbang bago magsampa ng kaso sa korte kung saan, maaari pang madipensahan ni Castro ang kaniyang sarili laban sa mga akusasyon.
Nabatid na nalabag umano ang Right to due process o ang proseso sa patas at tamang pagtrato sa isang indibidwal sa pangangasiwa ng hustisya.
Base sa inihaing inpormasyon ng Agusan del Sur Provincial Prosecutors Office sa korte, isang “Bernabe Baiwasan Salahay” umano ang kinidnap ng mga akusado, 12:30 ng hapon noong December 19, 2018 sa barangay Kolambugan, Sibagat, Agusan del Sur at dinala umano sa hindi matukoy na lugar kung saan, hindi nabanggit kung ano mismo ang ginawa ni Doktora Naty maging ng iba pang daan-daang akusadong nakalista sa nasabing impormasyon.
Nilinaw ni Atty. Asis na nasa Manila na si Doktora Naty noong araw na dinukot ang biktima.
Naging mahigpit ang yakap ng kapatid ni Doktora Naty na ngayon inilagay muna sa isolation sa loob ng dalawang linggo bago tuluyang dalhin sa Agusan del Sur Provincial Jail.
Ayon kay Menchie Castro, hindi naging maayos ang trato sa kaniyang kapatid na isa sa mga tumulong sa mga mahihirap lalo na sa mga pasyente sa gitna ng pandemiya. —sa panulat ni Angelica Doctolero