Kinatigan ng korte suprema ang naging hatol ng Sandiganbayan na nag-babasura sa mga kasong kriminal laban kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian at iba pa na may kaugnayan sa malagim na sunog sa Kentex Factory na ikinasawi na higit 70 indibidwal noong 2015.
Batay sa desisyon na sinulat ni Associate Justice Rodil Zalameda, tama ang naging pasya ng anti-graft court nang ibasura nito ang mga kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at physical injuries laban kay Gatchalian, Renchi May Padayao, at Eduardo Carreon.
Sa desisyon ng Sandigan noong Setyembre 22, 2020, inabswelto rin ang General Manager ng pabrika na si Ong King Guan.
Matatandaang idinawit si Gatchalian sa kaso dahil sa umano’y pag-apruba nito sa business permits ng Kentex, bagay na ayon sa korte suprema, ay ginawa lamang ng alkalde nang naaayon sa batas.
Maliban dito, ayon sa kataas-taasang hukuman, wala rin itong nakikitang sapat na batayan para idiin si Gatchalian sa naturang kaso. —mula sa ulat ni Patrol 13 Gilbert Perdez sa panulat ni Hyacinth Ludivico