Ipinauubaya na ng pamunuan ng Philippine National Police o PNP sa Department of Justice o DOJ ang kapalaran ng 7 nilang kabaro.
Ito’y makaraang irekumenda ng DOJ kahapon ang pagsasampa ng mga kasong murder at arbitrary detention laban sa mga pulis dahil sa pagkakasa ng mga gawa-gawang buy-bust operation sa San Jose del Monte City sa Bulacan nuong isang taon .
Kasabay nito, sinabi ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, aalamin niya sa Internal Affairs Service o IAS ang estado ng inihaing kasong administratibo laban sa mga pulis na kasalukuyang nasa restrictive custody na .
Kabilang sa mga kinasuhan ay sina P/SSgt. Benjie Enconado, P/SSgt. Irwin Joy Yuson; P/Cpl. Marlon Martus, P/Cpl. Edmund Catubay Jr., P/Cpl. Harvy Albino at P/Cpl. Herbert Hernandez; gayundin si Pat. Rusco Madla.
Habang absuwelto naman sina P/Maj. Leo dela Rosa, P/SSgt. Jayson Legaspi, P/Cpl. Jay Marc Leoncio, P/Cpl. Constante Escalante Jr., P/Cpl. Raymond Bayan, P/Cpl. Paul Malgapo, at P/Cpl. Randy Camitoc, gayundin si Pat. Erwin Sabido dahil sa kawalan ng probable cause .
Una nang sinabi ng PNP Chief na gumagana pa rin ang mga umiiral na sistema sa bansa at hindi nila kailanman kinukonsinte ang mga iligal na gawain sa kanilang hanay.— ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)