Pinangunahan ni Philippine National Police o PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos ang paggunita sa ika-7 anibersaryo ng kabayanihan ng 44 na Special Action Force o SAF Troopers ngayong araw.
Kasama ni Carlos ang panauhing pandangal sa paggunita ngayong taon na si Justice Sec. Menardo Guevarra na kapwa nag-alay ng bulaklak sa bantayog ng Gallant 44 sa SAF Headquarters sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Dahil sa umiiral na COVID-19 pandemic, naging virtual ang pakikiisa ng mga ka-anak ng mga nasawing SAF Troopers at limitado lamang ang dumalo sa naturang okasyon habang sinusunod ang health protocols.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Guevarra na nakapaghain sila ng 35 reklamong direct assault with murder laban sa 88 akusado na nasa likod ng pagkamatay ng SAF 44 at ito’y pinagsusumikapang mapagtagumpayan ng Ombudsman.
Magugunitang sa araw na ito nuong 2015, 44 na PNP SAF Troopers ang nagbuwis ng buhay matapos mapintakasi sa ikinasang Oplan Exodus sa Mamasapano Maguindanao kung saan napatay ang Malaysian bomb maker na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan at tugisin si Basit Uzman.