Ikinakasa na ng dalawang komite sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kasong plunder laban kay Budget Secretary Benjamin Diokno.
Ayon kay Camarines Sur Congressman Rolando Andaya Jr., Chairman ng House Appropriations Committee, kasama niya si Cong. Danilo Suarez ng Public Accounts Committee sa paghahanda ng mga dokumento para sa isasampa nilang kaso.
Sinabi ni Andaya na hindi na interesado ang Kamara na marinig ang paliwanag ni Diokno kaya’t sagutin na lamang niya ang kaso sa Office of the Ombudsman.
Ang plunder case ay nag-ugat sa pitumpu’t limang (75) bilyong piso na di umano’y isiningit ni Diokno sa panukalang budget para ngayong 2019.
Tinawag namang iresponsable at walang basehan ni Budget Secretary Benjamin Diokno ang panibagong akusasyon laban sa kanya ni Cong. Rolando Andaya Jr.
Matatandaang sinabi ni Andaya na plano ni Diokno at Cabinet Secretary Karlo Nograles na ibalik ang tinanggal nilang 75 billion pesos pork barrel fund sa panukalang national budget.
Maliban sa iresponsable at walang basehan, masyado rin anyang nagmamadaling mag-akusa si Andaya dahil wala pa naman sa kanilang kamay ang budget bill na pinatibay ng Kongreso.
Ipinaliwanag ni Diokno na tungkulin ng kanyang tanggapan ang maghanda ng statement of difference kung saan ikinukumpara nila ang isinumite nilang panukalang budget sa aktual na ipinasa ng Kongreso.
Nasa kamay na aniya ng Pangulo na pag-aralan ito at magpasya kung ano ang kanyang ive-veto.
Kung tungkulin aniya ng Kongreso ang i-review, amyendahan at pagtibayin ang budget, tungkulin naman ng Pangulo na aprubahan ito, i-veto ang ilang bahagi o i-veto ang kabuuan ng budget.
—-