Ibinasura ng DOJ o Department of Justice ang kasong rebelyon laban sa limamput walong (58) mga hinihinalang bagong recruit na miyembro ng Maute terror group at sa isang lalaking umano’y kanilang recruiter.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, batay sa ipinalabas na resolusyon ng panel of prosecutors ng ahensya, hindi nila nakitaan ng probable cause ang isinampang kaso ng AFP o Armed Forces of the Philippines laban sa mga naturang kalalakihan.
Sinabi pa ni Aguirre na ang nasabing resolusyon ay ipinalabas noon pang nakaraang linggo at hindi niya alam kung pinalaya na ang mga naarestong kalalakihan na ikinulong sa Camp Aguinaldo.
Matatandaang, inaresto ang mga nasabing lalaki kasama ang umano’y recruiter at Moro National Liberation Front (MNLF) member na si Nur Supian sa Ipil at Guiwan Zamboanga noong Hulyo 25.
Kung saan kanilang sinabi na sila ay nakatakdang maging “integrees” sa militar ng MNLF.
Gayunman, sinabi ng militar na itinanggi ng MNLF na may nangyayaring integration arrangement sa kanilang hanay.