Harassment na maituturing ang pagsasampa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng tax evasion case laban kay Dr. Leo Olarte, dating Pangulo ng PMA o Philippine Medical Association.
Ayon kay Olarte, may personal na galit sa kanya si BIR Commissioner Kim Henares dahil sa ginawa niyang pambabatikos sa mga programa ng BIR na ang tinatarget ay mga doktor at iba pang professionals.
Tinukoy ni Olarte ang hayagan nyang pagtutol sa direktiba ni Henares na dapat ipaskel ng mga doktor sa pinto ng kanilang klinika kung magkano ang kanilang professional fee at pagbatikos nya sa BIR ads kung saan ipinakikita ang mga professionals tulad ng mga doktor na pasan pasan ng mga teachers.
“This is arising out of hostility and personal spite against me dahil ipinaglaban ko ‘yung karangalan ng mga doktor, harassment na talaga. Handa akong harapin ‘yan, ang dapat niyang sampahan ng tax evasion at hindi niya sinasampahan, ito ang tinatawag na selective justice na ginagawa ni Henares dahil meron siyang personal na galit sa akin.” Ani Olarte.
Sinabi ni Olarte na handa nyang sagutin sa korte ang demanda laban sa kanya ni Henares.
Ayon kay Olarte, handa naman siyang bayaran sakaling mayroong kulang sa binayaran niyang buwis.
Kung tutuusin, kasong sibil lamang aniya ang kanyang pagkakamali at hindi tax evasion dahil hindi naman niya sinadyang dayain ang pamahalaan.
“Ang tax evasion kasi is something that is done intentionally to deceive or to evade paying a tax, ibig sabihin intentional gusto mong dayain ang gobyerno, eh hindi naman tayo ganun, maaaring nagkamali tayo sa pagkuwenta sa ating buwis o sa pag-file ng ating buwis, eh hindi natin sinasadya ‘yun.” Pahayag ni Olarte.
Matatandaang, pinasasampahan na ng Department of Justice (DOJ) ng kasong tax evasion si dating Philippine Medical Association President Dr. Leo Olarte.
Sa 19-pahinang resolusyon na inaprubahan ni Prosecutor General Claro Arellano, pitong bilang na paglabag sa National Internal Revenue Code ang inirekomendang ihain laban kay Olarte.
Ito ay dahil sa kabiguan ni Olarte na maghain ng Income Tax Returns, magsumite ng tamang impormasyon at magbayad ng tamang buwis, at mag-refund ng sobrang buwis na ikinaltas sa compensation o sweldo.
Sa reklamo ng BIR, nakatanggap umano si Olarte ng halos P5 milyong pisong kita mula 2006 hanggang 2012, pero hindi umano siya naghain ng kanyang Income Tax Return at nagbayad ng kaukulang buwis para sa nabanggit na mga taon.
Iginiit ng BIR na bagamat kinakaltasan si Olarte ng withholding tax ng kanyang mga emoloyer, dapat pa rin siyang panagutin dahil sa kanyang kabiguan na magsumite ng Income Tax Returns.
Samantala, ibinasura naman ng DOJ ang hiling ng BIR na kasuhan si Olarte ng hindi pagbabayad ng Value Added Tax.
By Len Aguirre | Ratsada Balita | Meann Tanbio | Bert Mozo (Patrol 3)