Nakatakdang lagdaan bukas, Mayo 11, ang memorandum of agreement sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait kaugnay sa pagbibigay ng proteksyon sa mga Overseas Filipino Workers o OFWs sa naturang bansa.
Ito ang inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa press briefing sa Philippine Embassy sa Kuwait bilang bunga ng matagumpay nilang pakikipagpulong sa mga opisyal sa nasabing bansa kasama si Presidential Spokesman Harry Roque.
Bukod sa magaganap na pirmahan ng MOA, sinabi naman ni Roque na pumayag din ang Kuwait na bumuo ng grupo ng mga awtoridad kung saan maaaring humingi ng tulong ang embahada ng Pilipinas bente kwatro oras sakaling may magpasaklolong mga OFW.
Sinaksihan din ng delegasyon ng mga opisyal ang pagpapalaya sa apat na drivers ng embahada na inaresto ng mga pulis sa Kuwait matapos ang kontrobersiyal na pag-rescue ng mga ito sa mga distressed OFW noong nakaraang buwan.
Magugunitang tumulak patungong Kuwait noong Martes sina Roque, Bello at iba pang opisyal matapos utusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ayusin ang gusot doon.
—-