Kanselado na ang UP-DND accord o kasunduan sa pagitan ng Defense Department at University of the Philippines na sinelyuhan noong 1989.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, Biyernes, Enero 15 pa epektibo ang kanselasyon ng kasunduan na nagbabawal sa anumang unit ng militar at pulisya sa pumasok sa lahat ng campus ng UP para magsagawa ng operasyon ng walang permiso mula sa board of regents.
Ani Lorenzana, nagpadala na siya ng liham kay UP President Danilo Concepcion kung saan kanyang inihayag na maraming estudyante ng pamantasan ang natukoy nilang umanib sa CPP-NPA kaya kinansela ang UP – DND accord.
Nilinaw naman ni Lorenzana na wala silang planong magtatag ng himpilan ng militar sa loob ng campus o supilin ang aktibismo doon.
Iginiit ni Lorenzana, nais lamang nilang pigilan ang pag-anib ng mga kabataan sa mapanlinlang na ideolohiya ng komunistang grupo na opisyal na ring idineklara bilang terorista.