Ginugunita ngayong araw ang ika-walong anibersaryo ng malagim na Ampatuan Massacre sa lalawigan ng Maguindanao.
Kaugnay niyan, nakatakdang magtungo ang pamilya ng mga biktima sa massacre site sa sitio Masalay, barangay Salman sa bayan ng Ampatuan kung saan, isang misa ang isasagawa gayundin ang pag-aalay ng bulaklak, pagtitirik ng kandila at pagpapalipad ng mga puting lobo.
Inaasahang dadalo sa nasabing aktibidad sina Governor Esmael “toto” Mangudadatu, Maguindanao 2nd District Rep. Zajid Mangudadatu, Maguindanao Assemblyman Khadafee Mangudadatu, mga kinatawan ng media at iba pa.
Kasunod nito, para kay Grace Morales, asawa at kapatid ng dalawa sa mga biktima ng krimen, positibo pa rin sila na makakamit ang katarungan bagama’t aminado siyang marami sa kanila ang naiinip na.
Pero sa kabila nito, hindi nakalilimot si Grace na silipin ang mga nakakulong na akusado sa tuwing tutungo sila rito sa Maynila mula General Santos City bilang bahagi ng kaniyang pagbabantay sa kaso.
Pulong sa pagitan nila Pangulong Duterte at pamilya ng mga biktima ng Maguindanao Massacre, ikinakasa ng Palasyo
Tiniyak ng Malacañang sa pamilya ng mga biktima ng malagim na Maguindanao massacre na kaisa sila sa paghahanap ng katarungan para sa 58 nasawi kabilang na ang 32 miyembro ng media.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque makaraang kumpirmahin nito na may inaayos na pulong ang palasyo sa pagitan nila Pangulong Rodrigo Duterte at ng pamilya ng mga biktima.
Giit ni Roque, nananatiling prayoridad ng pamahalaan na mabigyan ng katarungan ang mga nasawi sa nasabing krimen walong taon na ang nakalilipas.
Idinagdag pa ni Roque na naniniwala ang Pangulo na isang uri ng pagpaslang sa karapatan ng malayang pamamahayag ang pagpatay sa mga mamamamahayag.
—-