Patuloy ang panawagan ng grupong Bagong Alyansang Makabayan o BAYAN sa pamahalaan na bigyang hustisya ang pamilya ng mga biktima sa malagim na Maguindanao Massacre isang dekada na ang nakalilipas.
Ayon kay Bayan Sec/Gen. Renato Reyes, maituturing aniya itong pinakamalaking kaso ng election related violence gayundin ay pinaka-karumal dumal na pagpatay naman sa mga mamamahayag.
Binigyang diin pa ni Reyes na ang kabagalan ng hustisya ay pagpapakita lang ng kabulukan ng sistemang pulitikal ng Pilipinas dahil sa patuloy na pamamayagpag ng mga political dynasty at pagdami ng private armies.
Dahil dito, umapela ang grupo sa hudikatura na bilisan ang paglilitis upang mapanagot na sa kamay ng batas ang mga nagkasala at makamit na ng pamilya ng mga biktima ang inaasam nilang katarungan.
Nobyembre 23, 2009 nang walang awang patayin sa bayan ng Ampatuan ang 58 indibiduwal kabilang na ang 32 miyembro ng media.