Patuloy na umaasa si Maguindanao 2nd District Rep. Esmael “Toto” Mangudadatu na magkakaroon pa ng katarungan ang pagkamatay ng 58 mga biktima ng malagim na Maguindanao massacre, 10 taon na ang nakalilipas.
Ayon sa mambabatas na nawalan ng mahal sa buhay dahil sa nasabing krimen, mabibigyan lamang aniya sila ng katarungan kung kakatigan ng Korte ang mga kasong isinampa laban sa may 197 akusado.
Kung guilty ang magiging hatol ng Korte sa mga akusado, sinabi ng mambabatas na magbibigay ito ng daan para sa kapatawaran mula sa naiwang pamilya ng mga biktima.
Nabatid na nagtapos na ang ibinigay na palugit ng Korte sa mga sangkot sa karumal-dumal na krimen para makapagsumite ng kanilang memoranda o final position paper bago ilabas ang hatol.
Magugunitang inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra na posibleng mahatulan na ang mga akusado bago sumapit ang ika-isang dekada ng Maguindanao massacre sa buwan ng Nobyembre.