Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa bansang China na panatilihin ang kapayapaan at katatagan sa kabila ng usapin ng agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ng Pangulo sa pagbisita kahapon ni Chinese Defense Minister Gen. Wei Fenghe nang mag-courtesy call ito sa Palasyo ng Malacañang.
Ayon sa Pangulo, dapat maresolba ang lahat ng sigalot sa mga pinag-aagawang teritoryo sa ilalim ng international law at salig sa itinatadhana ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Binigyang diin muli ng Pangulo sa China ang kahalagahan ng pagsusulong ng Code of Conduct sa South China Sea upang hindi na maulit ang mga girian at maiwasan na ang sigalot sa pagitan ng dalawang bansa.
Kinilala ring Pangulo ang suporta ng China sa Pilipinas upang mapatatag ang defense at security cooperation nito gayundin ang pagsusulong ng modernization sa sandatahang lakas.