Sasailalim sa drug test at psychiatrist and expert test ang katiwalang nakapatay ng kaniyang alagang paslit dahil sa pambubugbog sa Quezon City.
Ayon kay Quezon City Police District Director Police Brig. Gen. Remus Medina, napag-alaman kasing may walong buwang gulang na anak ang suspek kaya’t titignan nila kung dumaranas ito ng postpartum depression.
Aniya, hindi raw kasi magagawa ng taong nasa normal na pag-iisip ang nasabing krimen sa batang anak ng isang overseas Filipino worker.
Maliban dito, aalamin ng otoridad kung gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang suspek.
Matatandaan nitong nakaraan nang makatanggap ng report ang pulisya mula sa ospital matapos makitang puno ng pasa sa likod, braso, at hita ang biktimang 2-anyos na bata na kalauna’y napag-alamang binalibag umano ang bata sa pader.
Sa ngayon, hinihintay na lamang ng otoridad ang pagdating ng ina ng bata kung papaya ito na isailalim sa otopsiya ang labi ng kaniyang anak habang isinailalim na sa inquest proceedings ang suspek at nakatakdang kasuhan.