Nakatakdang magsagawa ng kauna-unahang summit para sa mga counter terrorism agency leaders ng bawat bansa ang United Nations o UN sa susunod na taon.
Ito ay matapos maitala ng UN ang mahigit 25,000 bilang ng namatay at 33,000 nasugatan dahil sa mga pag-atake ng mga terorista sa buong mundo noong nakaraang taon.
Kung saan mahigit sa kalahati ng mga nasasawi sa terror attack ay nagmula sa mga bansang Iraq, Afghanistan, Syria, Nigeria at Somalia.
Habang tinataya namang nasa 90 bilyong dolyar ang epekto ng terorismo sa pandaigdigang ekonomiya noong 2015.
Ayon kay UN Secretary Antonio Guterres, ang presensiya ng terorismo ay matagal nang nararanasan subalit ang modernong anyo nito ay nangyayari sa mas mataas na antas at kapansin-pansin din ang mabilis na pagkalat nito sa buong mundo.
Aniya, bagama’t nawawalan na ng physical ground ang mga terorista sa Syria at Iraq ay lumalawak naman ang virtual ground nito sa pamamagitan ng Facebook, Twitter, Microsoft at Youtube.
Kasabay nito, binigyang diin ni Guterres ang pagkakaroon ng matibay na pag-uugnayan ng bawat bansa para matugunan ang problema sa terorismo.
—-