Inilunsad sa Changi Gateway, Clark Global City sa Pampanga ang kauna-unahang government hospital sa loob ng Clark Economic Zone.
Sa naganap na capsule laying and ground breaking ceremony ng Pampanga Provincial Hospital, pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang event kasama ang dating presidente na si Gloria Macapagal Arroyo at ilang mga lokal na opisyal sa Pampanga.
Ayon kay Pangulong Duterte, makikita ang pagsisikap ng kaniyang administrasyon upang mabigyan ng serbisyong medikal ang taumbayan partikular na sa lahat ng mga manggagawa sa gitna ng krisis sa bansa.
Ang 3-story hospital ay mayroong 125 bed capacity at may 2-story support service building na may layuning makapagbigay ng mura at kalidad na serbisyo sa mahigit 120,000 na manggagawa sa loob ng Clark Freeport Zone.
Sakop ng serbisyo sa nasabing ospital ang mga empleyado at mga direktor ng Clark Development Corporation at kanilang mga pamilya, mga CDC locators at kani-kanilang mga workforces, maging ang mga nasasakupan ng Pampanga at mga kadikit na munisipyo nito.