Umaasa ang sangguniang panglungsod ng Quezon na masosolusyunan na ang matagal na problema ng kanilang lugar hinggil sa distribution sa mga biyahe ng pampublikong sasakyan.
Ito’y makaraang aprubahan na ng konseho ang kauna-unahang local public transport service board sa bansa na tatayo bilang lokal na opisina ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Ito ang siyang magsasagawa ng pag-aaral para sa mga bagong ruta at magtatakda ng sapat na bilang ng mga pampublikong sasakyan sa isang partikular na lugar sa lungsod.
Ayon kay Councilor Ramon Medalla, maiiwasan na rin ang mga nagsusulputang kolorum sa kanilang lugar na siyang lalong nagpapalala ng problema nila sa trapiko.
Napapabayaan na rin aniya ang mga residente dahil sa LTFRB lamang ang may poder sa pagtatakda ng ruta ng mga pampublikong sasakyan subalit hindi makapagpalabas ng bagong prangkisa dahil sa umiiral na mortatorium.